PAGDARAOS NG NATIONAL PRISAA SA CAGAYAN, PATULOY NA PINAGHAHANDAAN
PAGDARAOS NG NATIONAL PRISAA SA CAGAYAN, PATULOY NA PINAGHAHANDAAN
Pinaplantsa na ng pamunuan ng Private Schools Athletic Association (PRISAA) at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang mga polisiya at hakbang na ilalatag sa pagdaraos ng National PRISAA Meet sa Abril 03-11, 2025. Kaugnay rito, nakipagpulong ang mga kinatawan ng PRISAA Officials sa pangunguna ni PRISAA National President Dr. Esther Susan Perez-Mari kay Provincial Administrator, Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor bilang kinatawan ni Gob. Manuel Mamba ngayong Huwebes, Enero 16, 2025. Kasama sa mga napag-usapan ay ang paglalatag ng seguridad para sa mga dadalong manlalaro mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa maging ang kahandaan ng mga medical at incident management team na itatalaga kasabay ng pagsisimula ng palaro. Iniulat pa ni Dr. Perez-Mari na nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Education (DepEd) para maisaayos ang tutuluyang mga billeting room ng mga atleta habang nakikipag-usap na rin sa Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegrao para sa pagsasaayos sa daloy ng trapiko at transportasyon. Sa ngayon, puspusan na rin ang ginagawang pagtutok ng mga opisyal ng PRISAA at ng University of Cagayan Valley (UCV) para sa pagsasaayos sa mga gagamiting sports facility. Ayon kay Atty. Mamba Villaflor, nais ng Ama ng Lalawigan na maging maganda ang gagawing hosting ng Cagayan para sa naturang palaro kaya pinatitiyak nito ang maayos na koordinasyon upang mapaghandaan ito bago ang nakatakdang araw ng pagsisimula ng palaro. Matatandaan na bilang suporta sa pagdaraos ng National PRISAA sa Cagayan ay nagbigay naman ng P10 milyon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ni Gov. Mamba. Tiniyak naman ni Atty. Mamba-Villaflor ang buong suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa paglalatag ng mga hakbang na makatutulong upang maging matagumpay ang pagsasakatuparan sa National PRISAA Games 2025. Matapos ang isinagawang mga pagpupulong at konsultasyon nitong 2024 ay pormal na nilagdaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at ng PRISAA ang isang Memorandum of Agreement noong Setyembre 30, 2024. Una na ring inihayag ni Dr. Perez-Mari na inaasahang aabot sa higit-kumulang 12,000 na mga atleta at mga coaches ang inaasahang magtutungo sa probinsya bago ang pagsisimula ng National PRISAA 2025. (Gelo Maguddayao)

Comments on "PAGDARAOS NG NATIONAL PRISAA SA CAGAYAN, PATULOY NA PINAGHAHANDAAN"